Mga Cristiyanong Iglesia ng Diyos

 [CB1]

 

 

 

 

Sino ang Diyos? [CB1]

(Edition 1.0 20020725-20020725)

Ang Nagiisang Tunay na Diyos (Eloah) ay ang tanging Diyos. Walang ibang diyos na una sa Kanya, ni mayroon pa mang iba na darating (Isa. 43:10). Ang babasahing ito ay pagaaralan ang ibang mga katangian ng Diyos at tatalakayin kung paano natin Siya makikilala, magbigyang-lugod Siya at sambahin Siya.

 

 

 

 

Christian Churches of God

PO Box 369,  WODEN  ACT 2606,  AUSTRALIA

 

E-mail: secretary@ccg.org

 

 

 

(Copyright ã 2002 CCG, ed. Wade Cox)

(Tr. 2004)

 

Ang babasahing ito ay malayang makopya at maibahagi kung ito ay isasalin ng buo na walang babaguhin o aalisin. Dapat isama ang address at pangalan ng tagapaglathala at kailangan nakalakip ang impormasyon ng karapatang magpalathala. Walang bayad na dapat ipataw sa mga mambabasa at makatatanggap ng babasahing ito. Maaring maglagay ng maikling sipi sa masiselang artikulo at mga paalala ng hindi nilalabag ang karapatang magpalathala.

 

Ang babasahing ito ay makikita sa World Wide Web page:
http://www.logon.org and http://www.ccg.org

 

 


Sino ang Diyos? [CB1]

 

 


"Pakinggan mo, O Israel: ang PANGINOON nating Diyos ay iisang PANGINOON!” (Deut. 6:4).

 

Napakalinaw mula sa Biblia na mayroon lang Iisang Tunay na Diyos.  Siya ang pinakamakapangyarihan at ang Tagapaglikha ng mga langit, ng lupa at ng lahat ng bagay.  (Gen. 1.1; Neh. 9:6, Aw. 124:8; Isa. 40:26,28; 44:24; Gawa 14:15; 17:24,25; Apo. 14:7).

 

May panahon na kung saan wala pang nalikha, maliban sa isang espiritu na siyang Kaisa-isa.  Siya’y pirmeng buhay.  Bago pa magsimula ang panahon, Siya’y nabubuhay na magisa, hindi nangangailangan ng anuman upang bigyan Siya ng kakayahan o buhay.  Ito ay ang Nag-iisang Tunay na Diyos (Jn.17:3; 1Jn.5:20). Siya ay walang kamatayan (1Tim. 6:16).  Ang ibig sabihin ang Diyos na ito ay di maaring mamatay. 

 

Kinilala ng mga unang panahong Hebreo ang  walang kamatayang espiritu na ito bilang Eloah.  Ang kahulugan ay singgular o pang-isahan.  Sa ngayon, kilala natin Siya bilang Diyos.  Siya ang Kataas-taasang Diyos (Gen. 14:18; Num. 24:16; Deut. 32:8; Mk. 5:7).  Siya ay tinatawag ding Yahovih o Yahovah ng mga Hukbo.  Ang pananampalatayang Islam ay tumukoy sa Nag-iisang Tunay na Diyos bilang Allah.  Ito rin ang Diyos sa Cristianismo. 

 

Sa Kawikaan 30:4-5 ay ipinapakita ang pangalan ng Diyos at mayroon Siyang anak.

 

Sino ang sumampa sa langit, at bumaba?

Sino ang pumisan ng hangin sa kaniyang mga dakot?

Sinong nagtali ng tubig sa kaniyang kasuutan?

Sinong nagtatag ng lahat ng mga wakas ng lupa?

Ano ang kaniyang pangalan, at ano ang pangalan ng kaniyang anak kung iyong nalalaman?

Bawa't salita ng Dios [ELOAH]ay subok: Siya'y kalasag sa kanila, na nanganganlong sa kaniya.

Huwag kang magdagdag sa kaniyang mga salita, Baka kaniyang sawayin ka, at masunduan kang sinungaling.

 

Bago ang Pasimula

Ang Panahon ay nagsimula nang ang Diyos (Eloah) ay magsimulang lumalang.  Ngunit bago malikha ang anuman, inisip muna ng Diyos kung ano ang Kanyang gagawin at paano Niya ito gagawin.  Walang imposible sa Diyos.  Nakita na rin Niya ang kahihinatnan ng lahat ng ginawa Niya.  Sapagkat sa lahat ng malilikha, napagisipan na ni Eloah kung paano ang bawat pagkilos at nilikha ay makaaapekto at makakaugnay sa bawat isa. 

 

Si Eloah ang Alpha at ang Omega (Rev. 1:8). Siya lamang ang una bilang isang walang kamatayan, kaya Siya ay Alpha, o ang pasimula.  Siya ay Omega sapagkat siya ang magiging kauuwian ng lahat ng Kanyang nilalang.  Ang sangnilikha ay nabuhay dahil sa Kanya.  Ang sangnilkha ay nakasentro sa Kanya at sa kanyang sarili ang katapusan ng Kanyang gawain. Samakatuwid, ang Diyos ay lumilikha ng Kanyang sarili sa diwa ng pagpaparami. (Ex. 3:14). Ang Diyos ay naging Ama nang Siya ay lumikha ng pamilya para sa Kanyang sarili.  Datapuwat malalaman natin ng higit ang tungkol sa Kanyang Pamilya sa babasahing Ang Paglikha ng Pamilya Diyos (Blg. CB4).

 

Pinagisipan ng Diyos kung ano ang Kanyang gagawin.  Alam Niya kung paano tatakbo ang lahat, bago pa man malikha ang anuman. Nalalaman Niya ang lahat ng bagay (1Jn. 3:20).   Kilala ito bilang omniscience (karunungan sa lahat ng bagay).  Kaya Niyang kalkulahin sa isip ang bawat pormulang kailangan.  Bago Siya magsimula lumalang, ang lahat ng bagay ay kailangan may kabuluhan at gumana.  Hindi Siya kailangang manghula o magbakasakali  sa anumang bagay kapag inumpisahan na ang paglalang.

 

Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat.  Walang bagay na hindi kayang lalangin o gawin ng Diyos, upang matagumpay Niyang tapusin ang Kanyang mga plano.  Alam Niya kung ano ang posible, at alam Niya ang pinakamahusay na paraan sa paggawa ng anumang bagay.  Lahat ng bagay na nalikha ay naiplano at naitakda na bago pa ng pasimula ng panahon.  Saklaw din tayo dito.

 

Nauunawaan ng Diyos ang lahat ng bagay.  Alam Niya kung paano gagawin ang mga bagay, sa anong ayos at kung gaano karami, at kung ano pa.  Ang kaalamang ito ay katotohanan.  Ang Diyos ay katotohanan (Deut. 32:4).  Nagawa Niyang lumikha ng sansinikob na hindi nanghuhula o nakikipagsapalaran sa anumang kalalabasan.  Samakatuwid, ang Kanyang kalooban ay sumasalamin ng kasakdalan sa katotohanan.  Walang kamalian sa Kanyang diwa o karakter.  Ang Diyos ay di maaring magkamali.  Na kayang paganahin ang bawat posibleng kalalabasan at maiwasan ang anumang kapahamakan, ang Diyos ay sakdal (Mat 5:48).

 

Bago magsimula ng paglalang, nalaman na ng Diyos na ang lahat ay magiging walang kapintasan at mabuti.  Alam Niya kung ano ang mabuti, sapagkat gusto Niya na ang sangnilikha ay maging kagaya Niya at  maging tulad din kung ano Siya.  Ang tunay na layunin ng Diyos ay para sa ikabubuti.  Samakatuwid, Ang Diyos ay mabuti (Aw. 25:8).   Ang pinanggagalingan ng lahat ng kabutihan ay mula sa Kanya.

 

Ang Diyos ay pag-ibig (1Jn. 4:8; Rm. 13:10).  Kapag iniibig natin ang ating kapwa ipinapakita natin na ang pag-ibig ng Diyos ay sumasaatin.  Kailanma’y walang nakakita sa Diyos ni narinig ang Kanyang tinig (Jn. 1:18; 5:37).  Ang mga propeta ng unang panahon  ay nakita at narinig ang Anghel ni Yahovah na siya sa bandang huli’y naging JesuCristo. 

 

Paano Natin Malalaman na ang Kataas-taasang Diyos ay Tunay?

 

Nasusulat na sinasabi ng hangal sa kanyang puso na walang Diyos (Aw. 14:1).  Si Eloah ay laging buhay (Aw. 93:2).  Siya ay espiritu.

 

Juan 4:24 "Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay kailangang sumamba sa espiritu at katotohanan".

Pinatunayan ng Diyos ang Kanyang pag-iral sa pamamagitan ng maraming gawa.  Nilikha Niya ang langit at ang lupa (Gen 1:1).  Si Eloah ang tagapagtayo ng lahat ng bagay (Heb. 3:4).  Lahat ng bagay ay sa Kaniya (1Cron. 29:16).  Si Eloah ang lumalang sa atin at tayo’y sa Kanya.  Tayo ang Kanyang bayan, ang mga tupa ng Kanyang pastulan (Aw. 100:3).

 

Si Jesus ay dumating upang turuan tayo tungkol sa Ama.

 

Juan 7:28  Sumigaw si Jesus habang nagtuturo sa templo. “Ako’y inyong nakikilala at nalalaman din ninyo kung taga-saan ako.  Hindi ako pumarito sa aking sariling awtoridad, subalit ang nagsugo sa akin ay siyang totoo, na hindi ninyo nakikilala”.

 

Ang Katotohanan ba na Tayo’y Nagdurusa at Namamatay ay Ibig Sabihin na Hindi Tayo Mahal ng Diyos?

 

Hindi.  Karamihan sa problema ng tao ay dahilan ng hindi nila pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.  Ang pagkain ng maruming pagkain ay nagdudulot ng sakit sa ating katawan.  Maraming tao ang hindi sumusunod sa wastong gawi ng pangkalusugan at pagiwas at kaya ang mga impeksyon at sakit ay kumakalat mula sa isang tao at sa isa pa.  Ang tao ay pahina ng pahina bilang isang uri ng nilalang dahil sa maraming henerasyong pagsuway sa mga Kautusan ng Diyos.  At hindi rin natin pinangangalagaan ng wasto ang mundo gaya ng iniutos ng Diyos sa atin.  Ang mga giyera ay nagdudulot ng pagdurusa at hindi ito gawain ng Diyos.  Inaabuso ng tao ang bawat isa pati ang sarili nilang katawan.  Dinudungisan din natin ang mundo.  Kaya, tayo halos ang may pananagutan sa sarili nating kahirapan.

 

May Malasakit ba Talaga ang Diyos sa Nangyayari sa mga Tao?

 

 OO mayroon!  Labis tayong kinakandili at iniibig ng Diyos.  Ayaw Niya na may mamagitan na anuman sa atin at sa Kanya.  Gusto Niyang malaman natin at maunawaan na walang sinuman ang papantay sa Kanya sa lakas at kapangyarihan (Deut. 4:35).

 

Binigyan ng Diyos ang tao ng napakagandang simula (Gen 1:26-30).  Ngunit tinanggihan ng tao ang mga Kautusan ng Diyos at nagpasyang gawin ang mga bagay sa kanyang sariling pamamaraan.  Ito’y nagdala ng kapahamakan sa atin (Roma 5:12).  Tandaan, ipinadala ng Diyos ang kanyang anak upang tubusin ang tao mula sa kasalanan at kamatayan.  Ito ay patunay ng dakilang pagmamahal ng Diyos sa tao (Jn. 3:16).

Hindi dapat tayo mawalan ng pag-asa kapag ang mga bagay ay umaayon sa di natin gusto.  Huwag nating itanong “Nasaan ang Diyos?  Bakit nangyari sa akin ang bagay na ito?”  Alam ng Diyos ang lahat ng nangyayari sa buhay natin.  Tandaan, si Jesus ay naging ganap sa pamamagitan ng pagpapakasakit.  Tayo rin naman ay dapat matuto mula sa ating mga pagsubok at pagpapakasakit.  Ngunit, ang Diyos ay di-kailanman nalalayo sa atin.  Hindi kailanman Niya tayo pababayaang tiisin ang anumang higit sa ating makakaya.  Dapat tayong magalak sa ating puso sapagkat mapagtitiwalaan natin ang Diyos. (Aw. 33:20-21).

 

Kanino Tayo Dapat Manalangin

 

Hiniling ng mga alagad kay Jesus na turuan silang manalangin (Lukas 11:1).  At binigyan sila ni Jesus ng halimbawa kung paano manalangin at kanino dapat sila mananalangin.  Basahin natin ang Kasulatan at pansinin na ang panalanging iyon ay diretso sa Ama.     

 

Mateo 6:6 Ngunit kapag ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at pagkasara mo ng iyong pinto ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.

 

At pagkatapos sinundan ni Jesus ng isang huwarang panalangin (Mat. 6:9-13). Pansinin ang bersikulo 9:

 

Matthew 6:9 Manalangin nga kayo nang ganito: Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang

pangalan mo.

 

Bilang Cristiano dapat tayong sumunod sa yapak ni Jesus.  Kaya kapag tayo’y nanalangin hinihingi natin sa pangalan niya 

 

Juan 14:13-14  At anumang hingin ninyo sa aking pangalan ay aking gagawin, upang ang Ama ay maluwalhati sa Anak. 14 Kung kayo'y humingi ng anuman sa pangalan ko ay gagawin ko.

(Tignan din sa Jn. 15:7)

Naririnig tayo ng Diyos sa Langit.  Ang Panginoong Diyos ay dinirinig at pinakikinggan yaong may takot sa Kanya at hindi sila kalilimutan (Mal.3:16). Kapag tayo’y nananalangin dapat tayong magpasalamat sa Diyos para sa mga biyaya at sa mga kamangha-manghang paglikha na binigay sa atin (Aw.105:1).

 

Mahalaga ba kung Sinong Diyos ang Sinasamba Natin? 

 

Oo, mahalaga na masamba natin ang tamang Diyos. Tayo’y dapat sumamba sa harap ng Panginoon nating Diyos (Deut. 26:10; 1Sam. 1:3; 15:25). Ngunit ang Diyos bang ito at binubuo ng dalawa o tatlong katao?  Hindi!  Masasabi ba natin na si JesuCristo, ang anak ng Diyos ay Diyos?  Ang sagot ay tahasang Hindi!

 

Si Jesus ay nagsasalita para sa Diyos (Jn. 1:1);  na bilang gaya ng makapangyarihang Diyos (Isa. 9:6), ngunit wala saan man siya’y tinukoy bilang Pinakamakapangyarihang Diyos (Gen. 17:1).  Hindi kailanman hinangad ni Jesus ang kinalalagyan ng kanyang ama (Lukas 4:8).  Si Jesus ay isang diyos, ngunit hindi siya ang Nagiisang Tunay na Diyos.  Siya ay ibang espiritu, ngunit sa pamamamagitan ng kanyang pagkamasunurin siya ay kaisa sa Ama. 

 

Sinabi sa atin ni Jesus na ang layon ng ating pagsamba ay sa Ama at hindi sa kanya.

 

Juan 4:23 Subalit dumarating ang oras at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at sa katotohanan, sapagkat hinahanap ng Ama ang gayong mga sumasamba sa kanya.

 

Wala ng Ibang Diyos

Walang diyos ang nakalapit man lang na maging tulad sa Diyos Ama (Ex. 8:10).  Siya’y dakila, kasindak-sindak sa kaluwalhatian, gumagawa ng kababalaghan (Ex. 15:11). 

 

Isaias 44:6 "Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Hari ng Israel, at ng kanyang Manunubos, na PANGINOON ng mga hukbo: “Ako ang una at ang huli; at liban sa akin ay walang Diyos.

 

Ang apostol Pablo ay sumulat sa mga tunay na Cristiano:

1Corinto 8:5-6  Sapagkat bagaman mayroong mga tinatawag na mga diyos, maging sa langit o sa lupa, gaya nang pagkakaroon ng maraming mga "diyos" at maraming mga "panginoon," 6 ngunit sa ganang atin ay may isang Diyos, ang Ama, na sa kanya nagmula ang lahat ng mga bagay, at tayo'y para sa kanya, at may isang Panginoon, si JesuCristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo ay sa pamamagitan niya.

 

Walang sinuman ang kahati sa kinalalagyan ng Kataas-taasang Diyos (Eloah).  Ang lahat ng ibang  layon ng pagsamba gaya ng mga diyos-diyosan, ng mga santong patay na, ang Birheng Maria at si Satanas ay huwad na mga diyos.

 

Tayo ay walang ibang sasambahing Elohim (diyos) maliban sa Diyos na Ama (Ex. 34:14; Deut. 11:16) kung hindi tayo’y mapupuksa (Deut. 30:17-18).  Ibinigay ng Diyos ang unang utos niya bilang:

 

Exodo 20:2-3 Ako ang PANGINOON mong Diyos na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin. Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos (elohim) sa harap ko.

 

Si Eloah ay ang ating Diyos at Ama at ang Diyos at Ama ni JesuCristo (Jn. 20:17). Nilikha tayong lahat ng Diyos at tayo’y may iisang Ama lamang (Mal. 2:10). Ang Ama natin ay nasa langit (Matt 23:9). Siya ang Ama ng lahat, na siyang nasa ibabaw ng lahat at sumasa lahat at nasa lahat (Efe. 4:6).

 

May nagiisang tunay na Diyos si Eloah.  Lahat ng ibang Elohim (diyos) ay nabuhay dahil kalooban Niyang mangyari ito.  Patuloy silang nabubuhay dahil sa pagkamasunurin sa Kapangyarihan ni Eloah. 

 

Ang Panginoong Diyos ay mabait at maawain.  Hindi Siya madaling magalit, siya’y matiyaga.  Siya ay puno ng pagmamahal (Aw. 145:8; Ex 34: 6).  Siya ay laging handa at laging nandiyan upang tulungan tayo sa anumang kabalisahan (Aw. 46:1).  Gusto ng Diyos na tayong lahat ay maging tulad Niya.  Ang bawat naipanganak ay magkakaroon ng pagkakataon na makatanggap ng buhay na walang hanggan.  Ang nais ng Diyos ay piliin ng bawat isa  na mabuhay sa pangangasiwa Niya. 

 

Habang nakikilala natin kung sino ang Diyos at simulang  mabuhay sa Kanyang mga lakad,  makikita natin na ito’y walang kapintasan.  Habang binabasa natin at pinagaaralan ang Kanyang salita, makikita nating ito’y  walang mali.  Kaya kung tayo’y magtitiwala sa Diyos at susunod sa Kanya tayo’y kakalingain Niya (Aw.18:30; Kaw.30:5). Dapat nating makilala at sambahin ang Nag-iisang Tunay na Diyos bago natin maunawaan ang mga misteryo ng Diyos.  Gugugol ito ng maraming panahon ngunit mayroon naman tayong napakagandang bukas na hinaharap.

 

Kapalaran ng tao na maging Elohim (diyos) gaya ni JesuCristo na siyang Anghel ng Panginoon sa Lumang Tipan (Zac. 12:8).   

 

 

q